Pages

Sunday, October 12, 2014

SIBANG: BILANG ISANG PRINSIPYONG SIKOSOMATIKO SA KATUNAYANG SOSYAL NG MGA ALBAYANO

PANIMULA

            Ang Rehiyong Bikol ay puno ng kultura na nagsasalamin kung anung klaseng mga tao ang nakatira rito. Ito ay ang pagkama-Diyos ng mga nakatira rito at higit sa lahat, ang respeto na pinapakita sa bawat isa. Isa sa mga probinsya ng Bikol ay ang Probinsya ng Albay. Kung sa pangkalahatang aspeto puno ang Rehiyong Bikol ng Mahahalagang kultura, ating makikita rin ito sa Albay. Sa Gitna ng kulturang ito matatagpuan ang sari-saring pamahiin at paniniwala na nasasalamin sa bawat galaw at araw-araw na pamumuhay ng mga Albayano. Isa na rito ang paniniwala sa ‘Sibang’.

ANG KABABALAGHAN NG SIBANG

            Sa mga Lugar sa Albay, walang Albayano ang hindi nakakaalam kung ano ang Sibang (‘Usog’ sa ibang dayalekto). Hindi na sila magtataka kung nakaramdam sila ng pananakit ng tiyan, sakit sa ulo at pagsusuka dahil alam na nila kung ano ang dahilan: Sibang. Isa itong katunayang sosyal (Social Reality) na sumasalamin ng pagkamapamahiin ng Bikolono salungat sa kanyang pagkamaka-Diyos. Ang mga Bikolano ay naniniwala sa mga iba-ibang pamahiin na kung saan isa sa mga ito ay naging totoo na para sa kanila. Hindi na maalis sa isip ng mga Albayano ang konseptong ito na nakakapagpaliwanag ng pagkakaroon ng sakit ng isang tao o ang pagkamatay nito.
            Ang Sibang ay ang tawag sa kababalaghan kung saan ang isang tao ay nagkakasakit o namamatay dahil sa isa pang tao na may Sibang. Ang taong ito ay nakaka-apekto sa ibang tao sa pamamagitan ng pagkakasalubong o pakikipagsama rito. Sinasabi na ang taong may Sibang rin naman ang makakagamot sa taong naapektuhan ng Sibang at wala ng iba pa. Ang laway umano ng naka-sibang ang makakagamot rito, sa pamamagitan ng pagpahid ng laway sa ulo o pusod ng biktima. Ang taong nakaka-Sibang umano ay isang tao na kung saan ay nagdadala ng negatibong loob sa kanya; pwedeng siya ay gutom, pagod, malungkot o galit. Ang mga negatibong loob umano ay nakakaka-apekto sa taong may positibong loob: Busog, Masaya at Masigla. Dahil sa bangaan umano ng negatibo at positibong mga loob (kung saan ang negatibong loob umano ay dinadaig ang postibong loob) nagkakaroon ng pagkakahindi-balanse sa sa katawang ng tao na may positibong loob. Dahil rito, nagkakasakit o namamatay ang isang taong na naapektuhan ng sibang. Dapat nating tandaan na ang pangyayaring ito ay hindi sinasadya at pawang aksidente lamang, dahil wala pa umano ang may kakayahan na kontrolin ito.

ANG MGA KLASE NG SIBANG

            Marami ang mga klase nito dahil marami rin ang mga klase ng negatibong loob. Ano ang mga negatibong loob na ito? Ito ay ang kamatayan, kalungkutan o ang simpleng pagkakagutom. Isa sa mga sikat rito ay ang ‘Sibang sa Patay’ at ‘Sibang sa Gutom’. Ang Taong may ‘Sibang sa Patay’ ay ang taong may kakayahan na pumatay ng isang tao sa pamamagitan ng pananalubong sa ibang tao. Ang kakayanan na ito ay pumapataas kung ang taong ito ay galing sa lugar kung saan may patay o kung siya mismo ay mamatay na; ang taong makakasalubong sa kanya ay pwedeng maapektuhan ng Sibang, pwede siyang mamatay. Ang taong may ‘Sibang sa Gutom’ naman ay taong gutom na may kakayanan na pagpasakitin ang taong masasalubong nito. Ang taong naapektuhan ay sasakit ang ulo, sasakit ang tiyan at magsusuka.
            Makikitang maski sinong may negatibong loob ay pwede maging tagapagdala ng Sibang at maski sinong ordinaryong tao ang pwedeng maapektuhan nito.

ANG SIBANG BILANG KATUNAYANG SOSYAL NG MGA ALBAYANO

            Ang mga Albayano ay mga maka-Diyos na tao, pero salungat sa katangiang ito ang kanyang paniniwala sa mga superstisyon. Ang superstisyon na naging katunayan na sa lahat ng mga tao rito. Para maipaliwanag ang mga kababalaghan na nangyayari sa buhay ng tao, sinubukang ipaliwanag ito sa mga ganitong konsepto gaya ng Sibang: isang konsepto na ipinarating maski hindi ito naiintindihan. Walang tubong Albayano ang hindi nakaka-alam nito, at karamihan ng mga kapos sa pag-aaral at pag-intindi ang naniniwala rito. Dahil sa pagkakaisa sa paniniwala, na nakaka-apekto rin sa sosyal na pamumuhay nila, naging totoo ang ilusyong ito. Naging Katunayang-Sosyal ito.


ANG KABABALAGHAN NG SIBANG BILANG
ISANG PRINSIPYONG SIKOSOMATIKO

            Sa Kasaysayan ng mundo, maraming Manggagamot na ang nag-isip kung paano magagamot ang iba’t ibang sakit. Sa una, inisip nila na nagkakasakit ang tao dahil sa kasalanan sa Diyos o sa dahil sa mga nilalang na mas mataas pa sa tao. Nang mabuhay si Plato (427 BC), binigay niya ang ideya tungkol sa Kaluluwa galing sa mga turo ng kanyang guro na si Socrates (399 BC). Ang Kaluluwang ito ay sinasabing hiwalay sa katawan ng tao at pag namatay ang tao ito ay nanatiling buhay at hindi kailanmay mamatay. Isang pag-gugunita ng ideya tungkol sa ‘duwalismo’ o ang ideya ng pagkakaroon ng tao ng Kaluluwa maliban sa kanyang katawan.
            Si 'Ali ibn al-'Abbas al-Majusi  o mas kilalang Haly Abbas  ay isang Sikolohista at Mang-oopera galing sa Persia. Siya ay eksperto sa ideya ng Sikosomatiko at sinasabi niyang dahil sa pagkalungkot, pagkatakot at pag-aalala pwedeng magkasakit ang isang tao. Sinabi niya ito sa libro niyang ‘Complete Book of the Medical Art’. Isa ring sikolohista na galing sa Persia ang nagpalalim sa ideya ni Abbas, siya ay si Abu Zayd Ahmed ibn Sahl Balkhi. Inisip niya na hindi dahil sa pagkakalungkot o pagkatakot nagkakasakit ang mga tao kundi dahil ito sa pagkaka-di-balanse o pagkakagulo ng katawan at kaluluwa ng isang tao.
            Sa pagdaan ng panahon hanggang sa nabuhay ang isang Pilosopo na nagngangalang Rene Descartes, nagkaroon ng konsepto tungkol sa ‘isip’ (mind) at sinabi nito na imbes na meron tayong kaluluwa, meron tayong ‘isip’ na mga tao. Ang tao ay binubuo ng kanyang katawan at pag-iisip, isang bagong duwalismo.
            Ang Sikosomatiko ay isang Konsepto na naka-ugat sa ‘bagong duwalismo’, ang relasyon ng katawan at isip. Isang relasyon na gumugunita sa kung paano tayo nagiisip bilang mga rasyonal na nilalang, at dahil sa pag-iisip na ito naapektuhan nito ang ating Pisikal na kaanyuan. Isang relasyon ng isip at katawan. Sa simpleng pananalita, ang Sikosomatiko ay tumutukoy sa mga pisikal na Sakit, Sintomas o anumang nangyayari rito na may mental na kadahilanan.
            Ang Sibang ay ‘latent’, ibig sabihin ay nandiyan siya at nagmemeron ngunit ito ay natatakpan ng mga bagay na nagpapaiba sa kahulugan nito. Ang Sibang ay isang pangwikang-pagsesenyas upang maipaliwang ang hindi maipaliwanag. Lahat ng mga paniniwala na nakikita nating mga Albayano tungkol rito ay gawa-gawa lamang ng imahinasyon at pagka-ignorante sa kapangyarihan ng rason. Nabahidan ng superstisyon at ‘religious fanatisicm’ ang konseptong ito.
            Pag ang tao ay biktima ng sibang, ang laway ng naka-sibang ang gamot rito. Ano ang meron sa laway? Ang ilusyon na ito ay nakakatawa kung iisipin, isang gamot na imbento lamang ng ignoranteng mamamayan. Sinasabi ng agham na ang bunganga ang pinakamaruming parte ng katawan, bakit dito pa manggagaling ang gamot sa isang masamang bagay? Dahil sa ‘religious fanaticism’, binigyan ng kahulugan ang paggagamit ni Kristo ng laway sa paggagamot nito gaya sa nakasaad sa Banal na Bibliya. Tayo ba si Kristo? Hindi. Naiintindihan ba natin ang kanyang pagkakatotoo? Hindi. Laway ba ang ipinapainom natin sa ating anak kung siya ay maysakit? Lalong Hindi. Walang epekto ito at sadyang kathang-isip lamang.
            Ang Sibang na isang katunayang sosyal para sa mga Albayano ay hindi dahil sa relasyon ng tao sa tao (na naka-ugaliang paniwalaan ng mga Albayano) kundi isa itong relasyon ng isip at katawan ng isang tao. Na nagkakaroon tayo ng ‘Sibang’ dahil sa paniniwala natin dito: gaya kapag umiinom ka at nalasing ka ng isang inumin na inakala nating alak pero tubig lang naman (placebo effect). Ang paniniwalang ito na hindi naman totoo ang dahilan kung bakit nagiging pawang totoo ito sa atin, isang ilusyon.  Ang Sibang na nakaugaliang paniwalaan ng mga Albayano ay gawa lamang at galing sa ating isip, isang Sikosomatikong Konsepto.

KONKLUSYON


            Dahil sa mga pahayag na ito masasabi na ang Sibang ay isang Sikosomatikong konsepto na naka-apekto sa sosyal na pagmemeron ng mga Albayano. Nakaugat ito sa paniniwala na ang mga tao sa Probinsya ng Albay, na pawang mga maka-Diyos, na may mas higit pa sa katawan (kaluluwa); at ito ay nakaka-apekto sa pang-araw-araw nilang pamumuhay, isang katunayang sosyal na binahidan ng mga maling kaisipan. Ang Sibang ay ‘Latent’, isang katotohanan na nandiyan pero nakatago sa kumot ng pagrarason na kailangang intindihin sa mabubusising pag-iisip. Ang Sibang na pinaniwalaan ng mga Albayano ay dahil sa paniniwala o pag-iisip na ito ay sanhi ng mga bagay na pawang imahinasyon lamang. Isang ilusyon na dapat madaig ng rason. Ang Sibang bilang isang ilusyon ay sumisira sa dapat katotohanan nito (hyper-reality) datapwat ang Sibang bilang Sikosomatikong konsepto ay nagpapatunay na ito ay nandiyan at totoo sa pinakapag-papatotoo nito, ang katotohanan na ito ay sanhi lamang ng kaisipan at hindi ng mga bagay na nakaugaliang paniniwalaan ng mga Albayano. Isang paniniwala na umakit sa mga Albayano higit pa sa pag-aakit ng Rason na makakapag-paliwanag nito.

No comments:

Post a Comment